Pagpapaliban sa Brgy., SK Elections, lusot na sa committee level sa Kamara

Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sa naging pagdinig ng komite, nagkasundo na ipagpaliban ito sa ikalawang Lunes ng May 2023.

Kung matatandaang ang postponement sa BSK Elections ang isa sa mga nabanggit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na SONA.

Hiling naman ng COMELEC, na kung ipagpapaliban nga ang eleksyon ay agad itong maisabatas bago matapos ang taon.

Ayon kay COMELEC Commissioner Antonio Kho, mas maigi kung maisasabatas ito ng mas maaga upang hindi na sila pumasok pa sa mga kontrata at procurement, tulad ng papel para sa balota at makaiwas sa “unnecessary purchase at expenses”.

Binigyang diin naman ng mga stakeholder, tulad ng Liga ng mga Barangay at grupo ng mga SK na dapat ay ma-regularize na ang eleksyon para sa Baranggay at SK.

Kung matatandaan, una nang ipinagpaliban ang BSKE 2016 elections at nitong 2018 lamang naidaos. Dahil dito, nagkaroon ng hold over capacity sa term of office ng mga opisyal.

Isa rin sa inaaral ng mga mambabatas ay ang pagpapalawig sa termino ng BSK ng hanggang apat o limang taon.