Pagpapalawig sa GASTPE program ng pamahalaan, lusot na sa komite sa Kamara

Inaprubahan na ng House Committee on Basic Education and Culture, subject to style and amendments, ang unnumbered substitute bill na magpapalawig sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act o GASTPE.

Tatlong panukalang batas ang pinag-isa upang mabuo ang substitute bill na mag-aamiyenda sa RA 8545, o Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE).

Sa ilalim ng bagong panukala, kasama na rin ang kindergarten at elementary students sa private basic education sa makatatanggap ng tulong sa ilalim ng programa.

Suportado naman ng Department of Education (DepEd) ang panukala.

Hiling lamang ni Education Undersecretary Tonisito Umali na bigyang prayoridad sa pagpapa-abot ng tulong ang mga estudyante na kabilang sa low at middle-income families batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).