Pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao, suportado ng security sectors at mga negosyante

Pinaburan ng karamihan ng mga personalidad sa Davao Region ang isang taong pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2019.

Pinapurihan ng Eastern Mindanao Command ang mga mambabatas mula sa Senado at Kamara sa pagsuporta sa martial law.

Ayon pa sa tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, Lt. Col. Ezra Balagtey, na simula noong ipinatupad ang batas militarĀ  noong Mayo 23, 2018, wala umano silang naitala na anumang human rights abuses.

Sa panig naman ng direktor ng kapulisan ng Davao City Police Office, SSupt. Alexander Tagum, sinabi nito na malaki umano ang naitulong ng martial law sa pagpapanatili sa peace and order ng lungsod.

Dagdag pa ni Tagum, na dahil sa higher level of security at alertness na nire-require sa kanila, madali na umano nilang ma-check ang mga vehicle na papasok ng Davao City.

Wala ring nakita na pang-aabuso si Tagum sa kanyang mga tauhan simula nang ipinatupad ang batas militar.

Dahil din dito, marami umanong mga suspected Maute terrorists at kriminal ang kanilang nahuli, pati na rin ang pagkumpiska ng mga kontrabando na tangkang ipinasok sa Davao.

Habang naniniwala naman si Task Force Davao Commander Colonel Nolasco Mempin, na suportado ng lahat ng sektor ang extension ng martial law.

Sa panig naman ng mga negosyante, naniniwala ang presidente ng Davao City Chamber of Commerce and Industry Incorporated na si Arturo Milan, na lumago ang business landscape ng Davao dahil naging mas ligtas at kampante sa seguridad ang mga negosyante dahil sa pinaigting na security measures. | ulat ni Ruth Dumandan – Radyo Pilipinas Davao