Pagpapalakas sa contact tracing efforts ng bansa vs. COVID, tinututukan ng pamahalaan

Nasa 249,000 contact tracers ang isasalang sa retraining ng pamahalaan, bilang tugon sa mga lumulutang na bagong variant ng COVID-19 sa bansa.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Contact Tracing Czar Mayor Benjamin Magalong, na nananatiling weakest link ng government COVID-19 response ang aspeto ng contact tracing.

Aminado aniya sila, na nananatiling mababa ang contact tracing efficiency ratio ng bansa na nasa 1:4. Ibig sabihin sa isang indibidwal na tinatamaan ng COVID-19, nasa apat na close contact lamang nito ang nagti-trace ng pamahalaan.

Dahil dito, ibinaba aniya nila ang target na contact tracing efficiency ratio ng bansa, na mula sa dating 1:37 na ngayon ay 1:15 na lang.

Mas realistic o makatotohanan aniya ang ratio na ito sa kasalukuyang COVID-19 situation sa bansa.

Ayon kay Mayor Magalong, patuloy ang kanilang pagtutok sa mga lokal na pamahalaan, dahil responsibilidad ng mga ito ang pagsasagawa at pagpapaigting ng contact tracing efforts sa kanilang nasasakupan.

Bukod dito, ang 5,000 mga bagong recruit na contact tracers sa ilalim ng TUPAD program ng DOLE ay sasailalim na rin sa training, at ide-deploy sa NCR.