Pagpapalakas sa Anti-Epal Policy ng DSWD, hihingin ni Sec. Rolando Bautista sa DILG

Nais ng Department of Social Welfare and Development na magkaroon ng Memorandum of Agreement sa Department of Interior and the Local Government sa harap ng kagustuhan nitong makatiyak na hindi makakaporma ang mga epalitiko sa nalalapit na halalan.

Sa pagharap ni DSWD Secretary Rolando Bautista sa briefing sa Malacañan, sinabi nitong may umiiral na namang Anti- Epal policy guidelines sa kanilang tanggapan.

Nakasaad ani Bautista dito kung
paano sasabihin ng kanilang personnel sa mga politiko na hindi dapat isama ang mga programa ng DSWD para maisakay sa kanilang kandidatura.

Lalong lalo na aniya dito sabi ni Bautista ang 4Ps na nais nilang masigurong hindi magagamit ng ilang tatakbo sa nalalapit na eleksiyon.

Binigyang diin ni Bautista na sa pamamagitan ng MOA sa pagitan ng DILG at DSWD, makatitiyak silang mas maayos na maipatutupad ang Anti-Epal Policy at maio-obserba ng lahat ng mga politiko.