Pagpapaikli sa mandatory quarantine period ng mga fully vaccinated na indibidwal na papasok ng bansa, suportado

Suportado ni Paranaque Representative Joy Myra Tambunting ang hakbang ng Inter-Agency Task Force (IATF) na paikliin ang mandatory quarantine period para sa mga inbound passengers na fully vaccinated na.

Mula 14 days na quarantine period ay ibababa na ito sa pitong araw na lamang.

Ayon kay Tambunting, kapwa makikinabang ang bansa at ang fully vaccinated individual sa panuntunan na ito.

Aniya dahil nasa early phase pa lamang ng vaccine rollout ang Pilipinas ay kailangan pa rin na masala o ma-quarantine muna ang lahat ng pasahero na papasok sa Pilipinas kahit bakunado na ang mga ito.

Hindi kasi maaaring isantabi ang posibilidad na kahit fully vaccinated na ay carrier pa rin sila ng COVID-19.

Ang pagpapaikli naman ng mandatory isolation period ay malaking kabawasan sa gastos para sa pamamalagi sa quarantine hotels lalo na sa mga umuuwing OFWs.