Pagpapaikli sa isolation period ng umuuwing OFWs, muling iniapela ng ilang grupo

Umapela ang grupo ng mga seafarers na paikliin na ang isolation period para sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFW).

Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni Joint Manning Group (JMG) Vice Chair Eric Marquez na ikonsidera ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabawas sa araw ng quarantine ng mga umuuwing OFW.

Matapos kasing palawigin ng 10 araw ang mandatory quarantine period ay nagkulang na ang mga accommodation.

Para naman hindi maipon ang mga OFW ay nagbawas din sa bilang ng mga papayagang umuwi.

Bunsod nito, kinailangan ding magbawas ang mga airline ng kanilang seating capacity na nagdulot ng taas-pasahe.

Tiniyak naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na mismong si Labor Secretary Silvestre Bello III ay inilatag ito sa pulong ng IATF kahapon.

Katunayan, bukas umano ang kalihim sa suhestyon ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat na ibaba na lamang ang quarantine period sa pitong araw.