Pagpapaigting sa kampanya vs online sexual exploitation ng mga menor de edad, panawagan ng 1 kongresista

Muling nanawagan si Tingog Partylist Rep. Yedda Romualdez sa kapulisan upang higpitan at lawakan ang kampanya laban sa online sexual exploitation sa mga kabataang Pinoy.

Kasunod ito ng pagkakadakip sa ilang miyembro ng sindikato sa Central Visayas na nambibiktima ng mga menor de edad.

Giit ni Romualdez, chairperson ng House Committee on the Welfare of Children, na malaki ang naitulong ng pakikipag-ugnayan ng ating kapulisan sa mga international counterpart nila upang masugpo ang transnational child sexual exploitation.

Aniya, sa pamamagitan ng tamang pakikipag-ugnayan at kooperasyon ay masusugpo ang mga ganitong sindikato.

Inihalimbawa nito ang pagkakadakip ng kapulisan kamakailan sa limang child trafficers sa Biliran.

Limang biktima na may mga edad-14 hanggang 17-taong gulang ang nailigtas ng mga tauhan ng Women and Children Protection Center-Visayas Field Unit, PNP Biliran, at ilang international agencies tulad ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC).

Ang PICACC ay nagsisilbi bilang isang hub para sa domestic Philippine at foreign law na nagpapatupad ng pagsisikap upang labanan ang online na sekswal na pananamantala sa mga bata.

Isa itong magkakasamang hakbangin sa pagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP) na suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP), United Kingdom National Crime Agency at International Justice Mission.