Pagpapadeport sa EU party official, dinepensahan ng Palasyo

Tinawag ng Malacañang na isang sovereign decision ang hindi pagpapapasok sa Pilipinas at pagpapadeport kay Party of European Socialist Deputy Secretary General Giacomo Filibeck.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bilang isang sovereign country ay may karapatan ang Pilipinas na magdesisyon kung sino ang papayagan o pagbabawalan na pumasok sa ating bansa.

At isa aniya si Filibeck sa mga hinding-hindi papayagan ng gobyerno na makatuntong sa loob ng Pilipinas.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo, walang nakasaad sa international law na mag-aatas sa atin na papasukin ang sinumang ayaw nating makapasok sa ating teritoryo.

Kilala si Filibeck na isa sa mga kritiko ng war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.

Nitong linggo ay hinarang at binigyan ng blacklist order ng Bureau of Immigration si Filibeck na nakatakda sanang dumalo sa Akbayan Party Congress.  | via Nimfa Mae Asuncion