Pagpapadala ng bomber planes ng China sa West Philippine Sea, idudulog ng Pilipinas sa bilateral mechanism — Malacañang

Hindi ikinakaila ng Malacañang na kinababahala nila ang ulat na pagpapadala ng bansang China ng bomber planes sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.

Sa press briefing sa Malacañang kanina, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roqoue na hindi binabalewala ng Pilipinas ang naturang impormasyon at itinuturing ito bilang isang seryosong bagay ng gobyerno.

Gayunpaman, hindi naman ito kinukonsidera ng gobyerno bilang isang banta sa seguridad ng bansa.

Muli ring binigyang diin ng Malacañang ang posisyon ng bansa alinsunod sa ASEAN statement na dapat ay mapanatili ang non-militarization sa West Philippine Sea at iwasan ang anumang hakbang na magpapainit ng tensyon sa rehiyon.

Tiniyak ni Roque na idudulog ng pamahalaan ng Pilipinas ang development na ito sa bilateral mechanism sa China na nakatakdang gawin sa Hunyo. | via Nimfa Mae Asuncion