Pagpapadala ng anumang tulong kaugnay ng kalamidad na tumama sa Japan, inihahanda na ng PH gov’t– Malacañang

Pinakilos na ng Office of the President ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin na ang kaukulang koordinasyon sa counterpart nito sa Japan.

Ito’y upang maipaabot ang anumang posibleng humanitarian assistance na maaaring maibigay ng pamahalang Pilipinas sa Japan na hinagupit ng napakalakas na bagyo.

Ayon kay Presidential Chief Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, nagsasagawa na rin ng kaukulang koordinasyon ang embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa mga miyembro ng Filipino community na naapektuhan ng bagyong Hagibis.

Kaugnay nito’y ipinaaabot din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikisimpatiya nito sa mga taga-Japan at pamahalaan nito na nakaranas ng bangis ng super typhoon Hagibis.

Ayon kay Panelo, nakikisa ang Malacañang sa panalangin para malagpasan ng Japan ang mga hamon na iniwan ng bagyo.