Pagpapabakuna, di requirement para makapasok sa US — US Embassy

Nilinaw ng Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas, na hindi requirement ang pagpapabakuna para makapasok sa Estados Unidos.

Ayon kay US Embassy Spokesperson Heather Fabrikant, epektibo noong January 26 ng taong ito, ang health requirement para sa lahat ng air-passengers na dalawang taong gulang pataas ay isang negatibong COVID-19 test, na kinuha ng hindi higit sa tatlong araw bago bumiyahe.

O kaya ay patunay na naka-recover sa COVID sa loob ng nakalipas na 90 araw.

Sakop din ng mga requirement ang mga US citizen at permanent residents.

Maaari aniyang kumuha ng karagdagang impormasyon, sa website ng Center for Disease Control (CDC) at Department of Homeland Security (DHS).

Ang paglilinaw ay ginawa ng embahada, matapos na makarating sa kanila na may kumakalat na fake news sa social media, na hindi umano pinapapasok sa Estados Unidos ang mga tinurukan ng Sinovac vaccine.