Pagpapababa sa tariff rates sa imported rice, para lang matiyak ang supply ng bigas — MalacaƱang

Tinitiyak lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makakaranas ng kakulangan sa supply ng bigas sa Pilipinas, lalo na ngayong tag-init. Dahilan kung bakit nilagdaan nito, ang Executive Order no. 135 o ang kautusan na magbababa sa taripa ng imported na bigas sa loob ng isang taon.

Paliwanag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng pahayag ng Federation of Free Farmers, na tila sampal sa kanilang hanay ang pagbababa ng taripa sa imported rice, gayung wala namang problema o emergency sa usapin ng bigas sa bansa.

Sinabi pa ng mga ito, na hindi na sana pinangunahan ni Pangulong Duterte ang Kongreso pagdating sa usapin ng taripa at buwis sa bigas.

Ayon naman kay Secretary Roque, bigas o kanin ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino, kaya hindi kaya ng bansa na makaranas ng shortage sa supply nito.

Lalo pa ngayon aniya na grabe ang nararanasang init sa bansa, bunsod ng climate change. Posibleng makaapekto aniya sa mga pananim na palay ang init na ito, kaya angkop lamang na matiyak ang supply nito.

Bukod dito, maliit lamang naman aniya ang ibinaba sa taripa para sa imported na bigas.

Sa ilalim ng EO 135, mula sa 40 percent para sa in-quota at 50 percent para sa out-quota, ibinaba sa 35 percent ang tariff rates para sa imported rice.