Pagpapaalis umano sa mga pari at obispo sa Balangiga bell turn over, palaisipan sa Palasyo kung saan nanggaling

Palaisipan para sa Palasyo kung ano ang pinagmulan ng balitang pinaalis daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pari sa isinagawang turnover ceremony ng Balangiga bells, nitong Sabado sa Eastern Samar.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, hindi niya alam kung bakit may mga ganoong kuwento gayung bukod sa pangangamusta sa mga obispo at pari, binanggit at nagkaroon pa ng acknowledgment ang Presidente sa mga ito sa kanyang talumpati.

Naghiyawan pa nga ani Andanar ang mga kababayan natin nang kamustahin ng Pangulo ang mga obispo at ang Papal Nuncio bago ito muling umakyat ng entablado.

Wala ani Andanar siyang nakitang insidente na pananaboy, at sa halip ang nakita niya, ay ang ginawa ng Presidente mula sa pagpasok sa venue na pangangamusta sa kanila na mga miyembro ng gabinete, mga opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa hanay ng mga alagad ng simbahan na present sa turnover.

Dagdag pa ni Andanar, na kasama rin sa mga binati ng Pangulo ang reverend na nagsilbing kinatawan ng United States military sa nasabing okasyon. | ulat ni Alvin Baltazar