Pagpapaalis ng PCG sa mga Chinese militia vessel sa Sabina Shoal, pinapurihan ng Malacañan

Pinapurihan ng Malacañan ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos paalisin ang pitong Chinese maritime militia vessel na namataan sa Sabina Shoal sa Palawan, noong Abril 27.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinasalamin lamang nito na sa ilalim ng Duterte Administration, ang Pilipinas ang nagpapalayas sa mga Chinese vessels na namamalagi sa teritoryo ng bansa.

Taliwas aniya ito sa naranasan noong panahon sa panunungkulan nina dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario.

“Iyan po ang administrasyon ni Presidente Duterte. Sa administrasyon ni Albert del Rosario ng siya ang nasa DFA, tayo ang pinapalayas. Pero kay Presidente Duterte, tayo ang nagpapalayas.” pagbibigay diin ni Secretary Roque.

Patunay rin aniya ito na pinaninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang teritoryo ng Pilipinas ang maaangkin ng ibang bansa, sa ilalim ng panunungkulan ng pangulo.

“At paninindigan po ng Presidente na walang teritoryong mawawala sa administrasyon nya. At iyan po ang kanyang pinatutupad ngayon.” saad ni Secretary Roque.

Kaugnay nito, tiwala naman si Secretary Roque na walang magiging epekto sa bilateral relations ng Pilipinas at China ang hakbang na ito ng PCG, lalo’t sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Sabina Shoal.