Pagpalit ng liderato ng Phil Marines, ‘di dahil sa alitan ng Navy chief, Marine commandant 

Itinanggi ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad na may alitan sila ni former Philippine Marine Commandant Maj. Gen. Alvin Parreño kaya ito bumaba sa pwesto.

Ayon kay Empedrad, nagkaroon lang sila ng konting hindi pagkakaunawaan sa isyu ng kagustuhan ni Parreño na ihiwalay sa Navy ang Marines, pero matagal na aniyang nasolusyunan ang isyu.

Katunayan aniya ay inalok pa niya kay Parreño ang pangalawang pinakamataas na posisyon sa Philippine Navy pero tumanggi ito.

Mas minabuti aniya ni Parreño na pagbigyan na lamang ang mga nakababatang mga opisyal na umangat.

Nilinaw ni Empedrad na hindi mag-early retirement si Parreño bagkus ay mananatili sa tanggapan ng Flag Officer in Command hanggang sa kanyang pagreretiro sa Marso ng susunod na taon.

Si Maj. Gen. Nathaniel Casem ng PMA Class of 1987 ang nag-assume kahapon bilang bagong commandant ng Philippine Marines.