Pagpalalawig sa validity ng Bayanihan 2, lusot na sa komite sa Kamara

Pinagtibay ng House Committee on Appropriations ang substitute bill, na layong palawigin pa ang validity ng pondo ng Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act.

Salig ito sa House Bill 9196 ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte at HB 9356 na inihain nila Appropriations Chair at ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, at Davao Rep. Paolo Duterte.

Sa ilalim ng panukala, ay pinapalawig pa ang effectivity ng mga probisyon at appropriations ng Bayanihan 2 hanggang December 31, 2021.

Marami pa rin kasi sa mga programa sa ilalim ng Bayanihan 2 ang hindi pa rin naipapatupad.

Batay sa Department of Budget and Management (DBM), hanggang nitong April 15 sa P165 billion Bayanihan 2 fund, nasa 51.06 percent ang obligated funds habang 70.34 percent ang utilization rate.

Ayon sa DBM, karamihan sa unobligated funds ay nasa GFIs.

Nangako naman ang mga ahensya ng gobyerno na kanilang magagamit ang budget sa katapusan ng taon.

December pa ng nakaraang taon dapat nagtapos ang effectivity ng Bayanihan 2, ngunit nagpasa ng batas ang Kongreso para i-extend ang validity nito hanggang June 30, 2021.