Pagnanais ng mga hindi taga-Boracay na magkunwaring residente sila sa isla, palaisipan sa Palasyo

Nagpahayag ng pagtataka si Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa motibo ng mga hindi taga-Boracay upang tangkaing magkaroon pa ng ID at makapagpanggap na sila’y residente ng isla.

Ginawa ni Roque ang pahayag sa gitna ng pahayag ni Senador Panfilo Lacson na ilang barangay officials doon ay sangkot umano sa pagbebenta ng Boracay ID sa halagang P40,000 pesos.

Tanong ni Roque, ano ba ang mahihita ng mga hindi tagaroon kung makaparoo’t parito man sila sa isasarang isla simula bukas.

Gayunpaman, sinabi ni Roque na kung anuman ang posibleng motibo ng mga nagnanais na magkunwaring taga-Boracay ay tiyak namang madedetermina ni DILG OIC Secretary Eduardo Año.

Kasabay nito’y nagpahayag din ng paniniguro ang Palace spokesperson na hindi kukunsintihin ni Año ang umano’y tila Boracay ID for sale ng ilang barangay officials na sinasabing nagkakahalaga ng P40,000 pesos. | via Alvin Baltazar