Pagmamatigas sa ‘shutdown order’ laban sa US-based TNC na Arcade City, ikinairita ng isang opisyal ng LTFRB

Tinawag na ‘kayabangan’ ni Atty. Aileen Lizada, board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang naging reaksyon ng ride-hailing company na Arcade City sa inilabas na shutdown order ng ahensya laban dito.

Napaulat na inihayag ng US-based company sa kanilang Facebook post na hindi umano nauunawaan ng LTFRB ang kaibahan ng kanilang operasyon sa transportation network company (TNC) na Uber.

Hindi umano sila tumatanggap ng ‘pre-arranged transportation services’ kaya’t ‘di akma ang depinisyon ng ahensya na sila ay nag-ooperate bilang isang TNC.

May kalayaan umano ang kanilang ‘driver enterpreneurs’ na matukoy sa ilalim ng Arcade City subalit wala naman itong kapalit na kabayaran sa transaksyon.

Dahil sa pahayag at pagmamatigas na ito ng Arcade City, naniniwala si Atty. Lizada na walang maidudulot na kabutihan at maloloko lamang ang mga commuters sa kwestiyonableng kumpanya na ayaw magpa-regulate.

Giit pa ng opisyal na nakahanda ang lahat ng legal options ng LTFRB upang mapigilan ang iligal na pag-ooperate ng Arcade City sa bansa.

Matatandaan nitong linggo, sa ikalawang pagkakataon nagpalabas ng ‘cease and desist order’ ang regulatory agency laban sa naturang ridesharing network.

Ito ay kasunod ng anunsiyo sa April 16 launching ng decentralized mobile application ng Arcade City sa walong bansa sa Southeast Asia kasama na ang Pilipinas. | via Shane Juan