Pagluwag sa testing at quarantine protocols sa mga turistang bakunado na vs. COVID, isinusulong ni Sen. Gatchalian

Minumungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian sa mga kinauukulan, na ikonsidera na ang pagluluwag ng mga panuntunan sa COVID-19 testing at quarantine protocols, sa mga turistang nabakunahan na kontra COVID-19, banyaga man o lokal.

Ito ay upang matulungan aniyang makabangon ang turismo ng bansa, at unti-unti na ring magbukas ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Gatchalian, na sa pamamagitan rin nito ay makakabalik na rin sa trabaho ang mga empleyado sa sektor ng turismo.

Bukod dito, giniit pa ng senator na ang unti-unting pagluluwag sa travel restrictions ay isa ring paraan para matugunan ang isyu ng vaccine hesitancy sa ating bansa.

Aniya, marami sa ating mga kababayan ang nais nang makapamasyal, pero kung mapagtanto nila na maaari lang itong magawa kung sila ay nabakunahan na, tiyak na dadami ang bilang ng mga pupunta sa mga vaccination center.