Pagluwag ng quarantine protocols sa NCR Plus, huwag daw madaliin

Hinay-hinay muna at hindi dapat madaliin ang pagluluwag sa quarantine classification, sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Ito ang suhestyon ni Dr. Maricar Limpin, Pangulo ng Philippine College of Physicians, lalo pa at nararanasan pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at karatig lalawigan na Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal.

Sabi ni Limpin, huwag umanong hintayin na bumalik muli sa total lockdown dahil sa paglobo ng mga nahahawaan ng virus.

Dapat din daw isipin ng gobyerno, na panatilihin ang kasalukuyang quarantine classification sa ngayon, dahil napapansin na naman nila ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa mga ospital.

Base sa kanilang obserbasyon sa daily rates sa mga ospital sa NCR Plus, medyo tumataas na naman ang mga kaso.