Paglipat ni PNP Chief Bato sa BuCor sa Abril, madi-delay sa desisyon ng Pangulo na i-extend muli ang kanyang serbisyo sa PNP

Sa isang event sa Malacañang kagabi, inanunsyo ng Pangulo ang pangalawang pagpapalawig sa termino ni Dela Rosa bilang PNP Chief bagama’t hindi binanggit kung hanggang kailan.

Siguradong ipinagbubunyi ng mga high profile inmate sa bilibid ang naging desisyon ng Pangulo na i-extend muli ang termino ni PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Ito’y dahil pansamantalang hindi matutuloy ang paglipat ni Dela Rosa sa Bureau of Corrections sa Abril pagkatapos ng unang term extension sa PNP na binigay sa kanya ng Pangulo.

Sa isang event sa Malacañang kagabi, inanunsyo ng Pangulo ang pangalawang pagpapalawig sa termino ni Dela Rosa bilang PNP Chief bagama’t hindi binanggit kung hanggang kailan.

Si Dela Rosa ay nakatakda sanang magretiro noong January 21 pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan pero unang inextend ng Pangulo ang kanyang termino ng tatlong buwan.

Una na ring sinabi ng Pangulo na si Dela Rosa ang magiging susunod na hepe ng Bureau of Corrections pagkatapos ng kanyang panunungkulan sa PNP.

Sinabi naman ni Dela Rosa na tatanggapin niya ang anumang assignment na ibibigay sa kanya ng Pangulo at sinabihan ang mga high profile inmate sa Bilibid na hintayin lang ang kanyang paglipat sa Bureau of Corrections. | via Leo Sarne