Paglilinis ng San Juan River, ipaprayoridad ng DENR

Nangako ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gagawin nilang prayoridad ang paglilinis ng San Juan River.
Sinabi ito ni DENR Secretary Roy Cimatu sa pagdinig ng Senado sa halos P25.5B proposed budget ng ahensya para sa susunod na taon.
Giit ng mga senador, hindi tuluyang malilinis ang Pasig River kung hindi lilinisin ang San Juan River na dumadaan sa mga lungsod ng San Juan, Maynila at Mandaluyong.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, 60 hanggang 70 porsiyento ng dumi sa Pasig River ay nagmumula sa San Juan River.
Giit ni Tolentino, dapat ay parehong antas ng pagpapahalaga ang ibinibigay ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa  San Juan River at sa clean up drive sa Ilog Pasig.
Tugon naman ni Secretary Cimatu, nagsagawa na sila ng ocular visit sa San Juan River nitong nakaraang araw at personal niyang nakita ang sama ng sitwasyon ng ilog.
Dahil dito, nangako ang kalihim na gagawin niyang prayoridad ang paglilinis sa ilog ng San Juan.