Paglilinaw ng BIR, katiwalian ng ilang tauhan nito, hindi kinukunsinte; Dalawang tax examiners, sinibak sa pwesto

Nilinaw ngayon ng Bureau of Internal Revenue na hindi nito pinahihintulutan at hindi kailanman pahihintulutan ang
mga tiwaling gawain ng kanilang mga opisyal.

Ang pahayag ay inilabas ni BIR Commissioner Ceasar Dulay bunsod ng pagkakasangkot ng ilang tax examiners sa corruption activities sa kabila ng mensahe ni Pangulong Duterte na walang puwang ang korapsyon sa kanyang administrasyon.

Binigyang halimbawa nito ang kaso ng tatlong investigators ng Regional Investigation Division ng Revenue Region No. 8 sa Makati City na kamakailan lang ay nahuli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation sa Greenhills, San Juan.

Aniya, may show cause orders na inisyu ang BIR laban kina Group Supervisor Arturo Boniol, Jr., Special Investigator Gary Atanacio, at Intelligence Officer Edgardo Javier.

Bagama’t ipinaubaya nila sa NBI ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, may ginagawa na din ang BIR na sariling ‘fact finding’ para sa pagpapataw ng administrative penalties.

Kaugnay nito tuluyan na ring sinibak ng BIR ang dalawang tax examiners na sina Revenue Office Abolais Ampa at Group Supervisor Nora Halamani ng Revenue District Office No. 29  sa Tondo at San Nicolas sa Maynila base sa kautusan ng Ombudsman.

Sumasailalim na rin sa dismissal proceedings ang kaso ni tax examiner Julie Hernaez ng Revenue District Office No. 77 – Bacolod City na kasalukuyang nasa ilalim ng preventive suspension. | ulat ni Rey Ferrer