Paglikha ng departamento na tututok sa disaster management, muling iginiit ng Pangulong Duterte

Muling inungkat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang situational briefing kahapon sa Pili, Camarines Sur ang pagnanais nitong magkaroon ng isang departamento na ang tanging tutok ay sa disaster at mga kalamidad.

Sinabi ng Pangulo na hindi nawawala sa kanyang plano na gawing regular na kagawaran ang tanggapang pinamamahalaan sa kasalukuyan ni Undersecretary Ricardo Jalad na Office of the Civil Defense (OCD) na nakasasakop naman sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ang OCD naman ay nasa ilalim ng pamamahala ng Department of National Defense (DND) sa pangunguna ni Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon sa Presidente, bahala na ang bubuuing kagawaran na harapin ang lahat ng problema at hamon sa panahon ng bagyo’t delubyo ganundin ng iba pang kalamidad na tatama sa bansa.

Una nang pinalutang ng Chief Executive ang pagkakaroon ng bagong departmento na may kaugnayan sa disaster management noong kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na dito’y kanyang pinanawagan sa mga kongresista na gumawa ng batas na lilikha ng kagawaran na tututok sa kalamidad.  | ulat ni Alvin Baltazar