Paglalagay ng isolation room sa mga kulungan para sa mga may sakit na inmates, ipinag-utos ng pamunuan ng BJMP

Abala na sa paglilibot sa mga jail facilities sa mga lalawigan ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology para sa inspection ngayong pagsapit ng panahon ng summer season.

Ayon kay BJMP Director Deogracias Tapayan, prayoridad ngayon ng kagawaran na proteksyunan ang mga inmate laban sa anumang sakit bunga ng mainit na panahon.

Katunayan ipinag-utos na ni Tapayan sa mga jail warden na alamin ang pangangailangan ng mga inmate sa higit 400 jail facilities sa bansa at isa na rito ang paglalagay ng isolation room para sa mga may sakit upang hindi na makahawa pa sa ibang preso.

Aminado ang opisyal na marami ang nagkakasakit tuwing summer season kaya’t pinaghahandaan na nila ito.

Pero pangunahing concern pa rin ng BJMP ang congestion o pagsisikip sa mga bilangguan kaya’t umaasa sila na mapalakas pa ang legal services upang mas mapabilis ang disposition sa kaso ng mga inmate at mapabilis ang proseso ng pagpapalabas sa mga ito.

Bukod dito, tinututukan din ng kagawaran ang konstruksyon ng mga jail facilities. | via Rey Ferrer