Paglalagay ng CCTV sa mga opisina ng gov’t agencies, minumungkahi ni Sen. Cayetano

Isinusulong ni Senator Pia Cayetano na mandatory na kabitan ng mga closed circuit television (CCTV) system ang mga opisina ng lahat ng ahensya ng gobyerno.

Ito aniya ay upang matiyak ang corruption-free transaction sa lahat ng aktibidad ng pamahalaan.

Sa ilalim ng Senate Bill 503 na inihain ni Cayetano, o ang panukalang Surveillance Camera for Government Establishment Act, layon na makunan ang araw-araw na transaksyon ng mga opisina ng gobyerno lalo na yung mga nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

Imamandato nito ang paglalagay ng CCTV na may audio recording technology sa lahat ng government offices, at 24/7 itong pagaganahin at imomonitor ng mga security personnel.

Hindi naman kasama sa mga lugar na lalagyan ng CCTV ang mga restroom, shower room, changing room at iba pang kwarto na kailangan ng privacy.

Nakasaad rin sa panukala ni Cayetano, na ang paggamit ng video records ay dapat limitado lang para sa imbestigasyon o pag-uusig para sa isang nakabinbing criminal o civil proceeding; pag-iwas sa isang pagbabanta; o para matiyak ang identidad ng isang kriminal.

Anumang paggamit, panonood, o paglalabas ng video recording maliban sa mga nabanggit sa panukalang batas ay ipinagbabawal.