Paglalabas ng pondo para sa ayuda ng PUV drivers, pinamamadali

Hinikayat ni Senate Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe, ang Department of Transportation (DOTr) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na bilisan na ang paglalabas ng P5.58 billion na pondo sa ilalim ng service contracting program.

Ayon kay Poe, ang naturang programa sana ang magsisilbing lifeline ng mga jeepney at bus driver, na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Nakasaad ang pondong ito sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), bilang ayuda sa mga public utility vehicle (PUV) drivers.

Ginawa ng senator ang naturang panawagan matapos sabihin ng grupong Move as One Coalition, na isang porsiyento o nasa P46.1 million pa lamang ng kabuuang pondo sa ilalim ng naturang programa ang nailalabas, gayung mapapaso na ang Bayanihan 2 law sa katapusan ng June.

Sa ilalim ng service contracting program, bibigyang sabsidiya ng pamahalaan ang operasyon ng mga PUV upang manatili pa rin silang kumikita, ngayong binawasan ang bilang ng mga pasaherong maaari lang isakay dahil sa social distancing protocol.