Paglalaan ng pondo para sa komprehensibong pag-aaral sa Bataan Nuclear Power Plant, isinusulong ni Sen. Binay

Sinabihan ni Senator Nancy Binay ang Department of Energy (DOE) na paglaanan ng dagdag na pondo ang komprehensibong pag-aaral sa Bataan Nuclear power plant (BNPP).

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng DOE para sa susunod na taon, natanong ni Binay ang pondong nakalaan para sa maintenance ng naturang planta.

Ayon kay Senate Energy Committee Chairperson Senator Sherwin Gatchalian, P52 million ang ginastos para sa maintenance ng BNPP ngayong taon at P92 million naman ang hinihingi ng DOE para sa maintenance nito sa susunod na taon.

Dahil dito, iminungkahi ni Binay, na paglaanan na lamang ng pondo ang pagsasagawa ng comprehensive study kung ano ang dapat gawin sa Bataan Power Plant kaysa pag aksayahan ng pera ang safekeeping lang nito.

Sinabi naman ni DOE Secretary Alfonso Cusi, na nagsasagawa na sila ngayon ng konsultasyon sa mga eksperto mula sa Russia at South Korea tungkol sa posibleng operasyon ng BNPP, at sinabi umano ng mga ito na maaari pang buhaying muli ang naturang planta.