Paglalaan ng kita ng panukalang taas-singil sa Road User’s Tax sa Universal Healthcare Law, inalmahan ng ilang kongresista

Hindi pabor ang ilang mga kongresista na mapunta sa Universal Healthcare Law ang kikitain ng pamahalaan sa panukalang taas-singil ng Motor Vehicles Users Charge o Road User’s Tax.

Ayon kay House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte Jr. mayroon namang ibang maaaring pagkuhanan ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Healthcare Law katulad ng “off budget” mula sa PAGCOR at savings mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Bukod dito, malaki na rin aniya ang kinikita ng PhilHealth mula sa mga premium contributions pa lamang.

Para naman kay Marikina Representative Stella Quimbo, nakaka-kolekta ng P144-billion ang PhilHealth sa premium contributions na sapat na para bayaran ang hospitalization at primary care ng mga pasyente na layong tulungan ng UHC.

Mas mainam ayon kay Quimbo na ilagay na lamang ang 50-percent allocation ng MVUC sa road safety.

Sinuportahan ito ni Villafuerte dahil ito naman aniya talaga ang nilalayon ng panukalang pagtataas ng Road User’s Tax.

Sa House Bill 4695 na inihain ni House Ways and Means Committee Chairperson Joey Salceda, 50% ng revenue ng Road User’s Tax ay ilalaan sa Universal Healthcare Law at 50% ay para sa jeepney modernization.