Paglala ng sitwasyon ng trapik sa bansa, bahagi ng umano’y paghadlang ng 2 dating Administrasyon sa inaparubahan na infrastructure plan ni dating Pres. Marcos — Spox Panelo

Bunga ng pagpapabaya ng ilang nagdaang administrasyon kaya lumaki, lumalim at lumawak ang problemang kinakaharap ngayon tungkol sa trapik.

Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo base na rin aniya sa kanyang narinig na panayam sa kilalang urban planner na si Architect Jun Palafox.

Sa ibinahaging impormasyon ni Panelo, aprubado na aniya higit 20 taon na ang nakakaraan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang panukala ni Palafox patungkol sa mga infrastructure projects na dapat gawin.

Pero ito umanoy naharang o hindi na itinuloy pag-upo ng Cory administration pero muli namang binuhay sa ilalim ng Arroyo government.

Pero gaya ng administrasyon ni Gng Aquino, muling na-scrap ang binuhay na infrastructure plans pagkatapos ng GMA administration o pagpasok naman ni PNOY.

Kaya eto ani Panelo ang resulta, lumaki, lumawak at lumalim ang problema sa trapik na tinitiis ng publiko.