Pagkuha ng civilian volunteers para i-monitor ang online activities na posibleng banta sa publiko, ‘di magiging ‘privacy issue’ – DILG

Binigyang diin ni Department of Interior and Local Governement (DILG) Officer-In-Charge Secretary Eduardo Año, na hindi magiging banta sa ‘privacy’ ng mga mamamayan ang pagtalaga ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilang sibilyan na magiging bahagi ng anti-cybercrime volunteers ng lungsod.

Garantiya ni Año, limitado lamang ang kanilang papel na i-monitor ang iba’t ibang online activities, na posibleng maging banta sa publiko o sa isang lokalidad.

Ang tunay aniyang pakay ng programa ay matulungan ang pulisya na mapalakas ang kanilang pwersa sa pagbibigay ng seguridad.

Dagdag pa ng opisyal, malaki ang maitutulong ng mga sibilyan sa paniniwalang may responsibilidad ang bawat isa na labanan ang lahat ng uri ng krimen.

Sakali namang makakuha ng mga impormasyon mula sa monitoring ng QCPD Anti-Cybercrime Team, dadaan pa ito sa mabusising validation at berepikasyon bago aksyunan ng mga kinauukulan.

Si Año ay isa sa mga panauhing pandangal na dumalo sa paglulunsad ng naturang programa kaninang umaga sa QCPD headquarters sa Kampo Karingal.

Bukod sa DILG chief, dumalo rin sa aktibidad sina Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista at si incoming Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde. | via Shane  Juan