Pagkuha ng Certificate of Public Convenience para sa shuttle service, muling pinalawig ng LTFRB

Muli pang pinalawig hanggang Agosto 31 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagkuha ng Certificate for Public Convenience para sa mga Shuttle Service.

Ginawa ito ng LTFRB sa gitna ng muling pagpapatupad sa General Community Quarantine sa Metro Manila.

Ito na ang pangalawang extension exemption sa mga shuttle services na ipinatupad ng LTFRB.

Gayunman may mga requirement na dapat sundin ang mga shuttle service na bumibiyahe ng walang CPC.

Una, dapat ay may valid contract of lease ang shuttle service provider at pribadong kumpanya o government agency na kumukuha ng serbisyo nito.

Kailangang nakarehistro ang sasakyan at may valid comprehensive passenger insurance policy, dapat ay may logo o marka ng kumpanyang umuupa at gagamitin lamang bilang shuttle service para sa mga empleyado.