Pagkilos ng rebeldeng komunista kontra sa Pangulong Duterte mabibigo – Eastern Mindanao Command

Mariing inihayag ni Lt. Gen. Banjamin Madrigal, commander ng Eastern Mindanao Command, na mabibigo ang rebeldeng komunista sa pinaplano nitong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kapangyarihan na bahagi umano ng “Red October.”

Katwiran ni Madrigal, dama na ng taumbayan ang sinseridad at malasakit ng pamahalaan upang maisaayos ang kalagayan ng bawat isa, sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at National Commission on Indigenous Peoples, partikular sa paghahatid ng Ancestral Domain Socio-Economic Programs, tulad ng IP Health Program, IP Education Program, IP Livelihood and Skills Development Program at iba pa para sa kanilang Ancestral Domains.

Ayon kay Madrigal, nalantad ang plano ng komunista sa pagpapatalsik kay Pangulong Duterte nang madiskubre ito ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Sa impormasyon na natanggap ng milita,r pakikilusin ng Communist New People’s Army Terrorist Group (CNTG) ang iba’t-ibang grupo at sektor sa mga rehiyon upang patalsikin sa puwesto ang Pangulo.

Sinabi ni Madrigal, na kabilang sa mga target na lugar ng CNTG ay ang Davao at Caraga Regions.

Gagamitin aniya ng mga ito ang isyu ng umano’y extrajudicial killings, pag-atake sa mga pamayanan ng lumad at mga paglabag umano sa karapatang pantao, upang makaakit ng mga taong susuporta sa kanilang pagkilos.

Magugunitang isang high ranking official ang nadakip ng otoridad sa isang operations sa General Santos City noong July 4, 2018, kung saan sinasabing nagpaplano ang CNTG personalities na pakikilusin ang kanilang mga supporter kontra sa Pangulo, na itataon sa mga red letter date, kabilang na ang September 21, 2018, araw ng paggunita sa deklarasyon ng Martial Law at ang Peasant Week na nakatakda sa ikatlong linggo ng Oktubre.

Layon na aniya ng CNTG, na ibagsak ang pamahalaang may demokrasya at palitan ng ‘authoritarian socialist’ na siyang humihila pababa sa kaunlaran at paglago ng bansa.

Kanyang inihalimbawa ang kampanya ng CNTG sa Davao at CARAGA Regions, gamit ang kanilang front organizations tulad ng Bakwit Lumad, Attack on IP schools at Lakbay Lumad (Lakbay Europe, Lakbayan or Manilakbayan).

Habang naghahanap ng pamamaraang legal ang gobyerno upang mapalago at mapaunlad ang pamumuhay ng taumbayan, at magkaroon ng katahimikan at kapayapaan sa komunidad, nagpapatuloy naman ang CNTG sa pagbabanta at paghahasik ng karahasan sa mga proyekto ng gobyerno at non-government projects para sa mga mahihirap.

Sa huli, nananawagan si Madrigal sa publiko, na magkaisa at tumulong sa pagresolba sa mga suliranin na kinakaharap ng bansa dahil karapat-dapat lamang na makamit ng Mindanao ang mapayapang rehiyon na magbubunga ng kaunlaran kaysa patuloy na pakikibaka na magdudulot lamang ng kamatayan, paghihirap, galit at poot at kahirapan. | ulat ni Dang Sabdani – DXRP Radyo Pilipinas Davao