Pagkapanalo ni Pangulong Duterte noong 2016 elections, malinis at patas ayon sa Palasyo

Naninindigan ngayon ang Palasyo na patas ang pagkakapanalo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016 elections.

Sa statement na ipinadala ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, iginiit niya na hindi bumili ang kampo ng Pangulong Duterte ng impormasyon mula sa Facebook o online, dahil nagmula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang suporta sa dating alkalde ng Davao City.

Tinitiyak aniya ni Finance Secretary Sonny Dominguez, na siyang treasurer noon ng Duterte campaign, na hindi niya binayaran ang political consulting firm na Cambridge Analytica o kahit man lang nagkaroon ng transaksyon dito.

Dagdag pa ni Roque, dapat respetuhin ng lahat ang landslide victory ng Pangulong Duterte na resulta ng tiwala at kumpiyansa ng mga Pilipino sa kanya.

Matatandaang naging kontrobersyal ang Cambridge Analytica dahil sa pagkuha nito ng basic profile information ng mga Facebook user para gamitin sa kampanya noon ni US President Donald Trump.

Ngayon ay inuugnay naman ito sa kampanya noon ni Pangulong Duterte dahil sa lumabas na litrato ng pakikipagkita ng dalawa sa mga campaign strategist ng Pangulo sa dating Chief Executive Officer (CEO) ng Cambridge Analytica na si Alexander Nix. | via Nimfa Mae Asuncion