Panalo ng mga kandidato ng administrasyon sa eleksyon, posibleng magtulak sa pederalismo

Maaaring maging basehan ang magiging resulta ng midterm elections sa kung gaano ang tsansa para matupad ang Federal form of government na ipinupursige ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular na dito ang mga tumatakbo sa pagka-senador at pagka-kongresista.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, malaki ang maitutulong ng mga administration candidates sa isinusulong na Pederalismo ng Pangulong Duterte lalo na sa dalawang kapulungan gayong may kapangyarihan ang mga ito sa pag-usad ng panibagong klase ng pamamahala sa bansa na nais ng Chief Executive na mangyari.

Binigyang-diin ni Andanar, na kung karamihan sa mga pambatong kandidato ng administrasyon ay lulusot sa Kamara at Senado, tiyak na malaki ang tsansa na mapalitan ang sistema ng gobyerno ng bansa.

Mahalaga ayon kay Andanar kay Pangulong Duterte ang usapin hinggil sa Pederalismo gayung ilan na lamang ito sa mga campaign promises ng Presidente na hindi pa natutupad at ituturing na isa sa mga legacy ng Duterte administration sakali’t ito’y maisakatuparan.   | ulat ni Alvin Baltazar