Pagkansela ng peace talks dahil sa pag atake ng NPA, ‘di pa mairerekomenda ng PNP

Wala pa sa posisyon ang Philippine National Police (PNP) para irekomenda sa Pangulo ang pagkansela ng peace talks dahil sa ginawang pag-atake ng New People’s Army (NPA) habang umiiral ang Christmas ceasefire.

Ito ang inihayag ni PNP Officer in Charge, PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa kasabay ng pagsabi na umaasa ang PNP na wala nang susunod pang pag-atake mula sa NPA ngayong Pasko.

Ito’y matapos ang serye ng mga pagpapasabog ng NPA sa mga tropa ng pamahalaan sa Tubunga, Iloilo, na ikinasugat ng dalawang pulis, at sa Labo, Camarines Norte, na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng anim na iba pa, sa unang araw ng ceasefire.

Ayon kay Gamboa, nagdeklara na ang pamahalaan ng unilateral ceasefire at inaasahan nila na tutupad pa rin sa kanilang sariling ceasefire ang mga NPA sa kabila ng mga naturang insidente.

Gayunpaman, binigyang diin ni Gamboa na naka-alerto parin ang PNP sa mga posibleng surprise attack, partikular ngayong darating na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Disyembre 26.

Una nang inihayag ng Malacañang, na ang pagdeklara ng ceasefire ngayong Pasko ay bahagi ng “confidence building measures” tungo sa posibleng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa mga komunista.