Pagkamatay ng mga ibon sa Zamboanga Sibugay, negatibo sa Bird Flu — DA

Nagnegatibo sa Avian Influenza (AI) at Newcastle Disease Virus (NDV) ang lahat ng samples na nakolekta sa mga namatay na ibon sa mga bayan ng Siay at Kabasalan sa Zamboanga Sibugay Province.

Ito ang lumabas na resulta sa pagsusuri ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory ng Department of Agriculture (DA) sa Region 9 mula sa lahat ng specimens mula sa mga ibon na Little Egret.

Noong April 3, naglabas ng advisory ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Zamboanga Peninsula tungkol sa kaso ng pagkamatay ng 16 na Egrets sa Wetland at Protected Area sa bayan ng Siay at Kabasalan.

Agad namang inimbestigahan ng composite team ng DA at DENR at Provincial Veterinary Office ang ulat at kumuha ng mga specimens para sa laboratory test.

Una nang kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar noong March 18 ang kaso ng Avian Influenza Type A H5N6 sa quail farm sa Nueva Ecija.

Bagamat may posibilidad na makahawa sa tao hindi pa naman aniya ito nangyari sa bansa mula pa noong taong 2017.