Pagkaloob ng financial assistance sa mga pamilya ng nasawi at nasugatang mga pulis sa misencounter, pinapabilis ng DILG

Inatasan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) Program Management Office na bilisin ang pagpapalabas ng financial assistance para sa mga pamilya ng mga pulis na nasawi at nasugatan sa misencounter sa Samar noong Lunes.

Ayon kay DILG Officer-In-Charge Secretary Eduardo Año, ang financial assistance na ibibigay para sa kanila ay mula sa Comprehensive Social Benefits Program (CSBP).

Bawat benepisyaryo ng pulis na kabilang sa killed in action (KIA) o killed in police operation (KIPO) ay makakatanggap ng limang daang libong piso (P500,000).

Habang ang mga pulis na wounded in action o wounded in police operation na may total permanent physical disability (TPPD) ay makakatanggap ng tig isang daan at limampung  libong piso (P150,000).

Samantala para naman sa mga pulis na wounded in action o wounded in police operation na may major at minor injuries ay makakatanggap ng tig isang daang libong piso (P100,000).

Bukod pa dito ang shelter assistance na nagkakahalaga ng apat na daan at limapung libong piso (P450,000) na ibibigay sa bawat pamilya ng pulis na nasawi at nasugatan sa engkwentro.

Meron din silang matatanggap na health care assistance mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nagkakahalaga ng P2,400 kada taon at maintenance medicines mula sa Department of Health (DOH).

Tiniyak din ni Año na mabibigyan ng educational assistance ang dalawang anak at iba pang benepisyaryo ng mga namatay at nasugatang pulis. | ulat ni Rey Ferrer