Pagkalat ng ASF virus sa QC, sisikaping makontrol ngayong buwan – QC gov’t

Kampante ang Quezon City government na makokontrol na ang pagkalat ng virus ng African Swine fever (ASF) sa lungsod Quezon, bago matapos ang buwan ng Setyembre.

Sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte, “contained” na ang virus, at nasa proseso na lamang ngayon ng “clearing” sa mga apektadong lugar.

Sa katunayan, 24 oras na ang ginagawang operasyon ng Veterinary Office ukol dito.

Kailangan din ng pamahalaang lungsod ang tulong ng mga mamimili, para matiyak na walang naibebentang karne sa mga palengke na may ASF.

Huwag aniya silang mag-atubiling isumbong sa kinauukulan ang mga nagbebenta nang walang kaukulang papel mula sa Veterinary Office at National Meat Inspection Service (NMIS).

Hanggang ngayon, matumal pa rin ang bentahan ng karneng baboy sa merkado.

Halimbawa na lamang sa Muñoz market, bumagsak nang 50% ang bentahan ng karneng baboy ng ilang vendor.

Kung dati rati ay nakakaubos sila ng tatlong baboy kada araw, ngayon aniya ay isang piraso at kalahati na lamang.

Nagbaba na rin ang ilan ng presyo. Nula P220, ngayon ay P180 hanggang P170 na ang kada kilo ng baboy.