Pagkakasama ng COVID sa list ng work-related diseases, welcome kay Sen. Villanueva

Ikinatuwa ni Senate Committee on Labor Chairperson Senator Joel Villanueva, ang pagkakasama ng COVID-19 sa listahan ng ‘work related diseases’ na pwedeng idulog upang makakuha ng tulong sa Employees’ Compensation Commission (ECC).

Ayon kay Villanueva, dahil sa polisiyang ito ay makukumbinsi ang mga manggagawang may COVID-19 at asymptomatic, na manatili na lang sa kanilang mga tahanan at magpagaling, dahil may aasahan na silang tulong mula sa gobyerno.

Kasabay nito, ay hiniling ng senator sa ECC na tiyaking magiging maayos ang pagpapatupad ng programa, at siguruhing may pondo para dito dahil mahaba-haba pa ang pandemya.

Umaasa rin ang mambabatas, na hindi mauuwi sa mahabang pila o matagal na maghihintay ang mga manggagawang tatakbo sa ECC, para idulog ang kanilang sitwasyon.

Ito lalo na aniya at nakasalalay dito ang pangtustos sa gamot at iba pang pangangailangan ng mga manggagawang magkakasakit ng COVID-19.