Pagkakasama ng 3 police general sa biyahe ng Pangulo sa Russia ‘di basehan para mapiling susunod na PNP Chief 

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na hindi “advantage” para sa tatlong police general ang pagkakasama nila sa byahe sa Russia ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapili na susunod na PNP chief.

Paliwanag ni Banac, kwalipikado ang mga ito na maging susunod na PNP chief dahil may mga ranggo silang one star o brigadier general. Ngunit may official function ang tatlong police general kaya nakasama ng Pangulo sa Russia.

Aniya si Brig. Gen. Filmore Escobal na director ng Police Security and Protection Group (PSPG) ay nagsilbing Presidential Security.

Si Brig. Gen. Rhodel Sermonia bilang hepe ng Police Community Affairs Development Group ay naging mandato ang pag-abot ng mga Filipino sa Russia sa pamamagitan ng global policing.

Habang si PNP CARAGA Region Regional Director Gilbert Cruz na kasama rin sa biyahe sa Russia ay nagsilbing Police Adviser.

Giit ni Banac na may sariling criteria ang Pangulo sa pagpili ng susunod na PNP chief at hindi ito nakabase sa kung sino ang kanyang isinama sa Russia.