Pagkakaroon ng mass transport crisis sa bansa, pinabulaanan ng MalacaƱang

Itinanggi ng Palasyo na nakararanas ngayon ang bansa ng mass transport crisis. Ito ay sa kabila ng pahayag ng grupong Bagong Alyansang Makabayan, kasunod ng naranasang aberya sa tatlong rail system sa bansa sa loob ng isang linggo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang nakikita niyang problema sa kasalukuyan ay ang matinding sitwasyon ng trapiko.

Iginiit ni Panelo, na hindi maituturing na krisis ang nararanasan ngayon ng mga pasahero dahil nakakasakay pa naman ang karamihan sa iba pang uri ng pampublikong transportasyon.

Kung nadiskaril man aniya ang biyahe ng LRT o MRT, at palagi itong nangyayari, ibig sabihin may problema at kailangan itong lutasin ng mga kinauukulan.

Ayon kay Panelo, dapat lamang na alam ng mga otoridad kung papaano tutugunan ang problema sa mabilis na paraan.

Kaugnay nito, pinakikilos ng Palasyo ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno para pagbutihin ang serbisyo ng mass transport system sa bansa.

Hindi kasi aniya pwedeng forever na nagkaka-aberya ang mga train. Sinabi ni Panelo, na kung hindi ito malulutas, maliwanag na mayroong problema sa management o pangangasiwa nito.