Pagkakaroon ng living facilities para sa public school teachers, pinapanukala

Isinusulong ni Senator Sonny Angara ang isang panukalang batas, na layong bigyan ng matutuluyan ang mga guro sa pampublikong paaralan, lalo na yung mga kinakailangang bumiyahe ng malayo para makarating sa mga pinagtuturuan nilang eskwelahan. 

Sa ilalim ng Senate Bill 2317 o ang panukalang Teachers’ Home in School Act na inihain ni Angara, layong makapagpatayo ng living facilities para sa mga guro sa loob ng mga paaralan o sa pinakamalapit na lokasyon sa mga eskwelahan. 

Sakop ng panukalang batas, ang mga guro na nahihirapang mag commute patungo sa kanilang mga trabaho o ang mga guro na nakatalaga sa mga liblib na lugar sa Pilipinas. 

Giit ng senator, matagal na tayong nakakarinig ng mga istorya ng mga guro na bumabiyahe ng malayo, dumadaan sa mga kabundukan, karagatan o ilog para lamang makapagturo.

Ngayon na may COVID-19 pandemic, kahit wala pang face to face classes ay bumabiyahe pa rin ang ating mga guro, para lang maibigay ang learning modules ng kanilang mga mag-aaral. 

Ito aniya ang klase ng dedikasyon, na kinakailangang kilalanin at bigyan ng naaayong atensyon ng pamahalaan.