Pagkakapatay sa highway robbers sa Cagayan, malaking accomplishment

Itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na malaking tagumpay laban sa mga Private Armed Groups (PAGs) ang pagkakapatay sa anim na highway robbers at pagkaaresto sa isa sa Cagayan.

Ayon kay PNP Spokesperson Csupt Benigno Durana, ang mga napatay ay lider at miyembro ng Gener Dunag Robbery Group, isang “well-equipped emerging private armed group” na sangkot sa panghoholdap ng mga biyahero at gun-for-hire activities sa Cagayan.

Sa report ni PRO2 Regional Director Chief Superintendent Jose Mario Espino na nakarating sa Camp Crame, ang mga miyembro ng sindikato ay mga magkababayan mula sa Pinukpuk, Kalinga.

Ang grupo ang responsable sa serye ng panghohold up sa mga truck na bumibiyahe sa Maharlika Highway, Lallo, Cagayan, noong Martes ng gabi, kung saan binaril ang isa sa mga sakay ng truck at tinangay ang halos P300-libong halaga ng cash at epektos.

Ang insidente ay agad namang nai-report sa mga otoridad, at naharang ang sasakyan ng mga suspek sa itinayong checkpoint ng 2nd Regional Mobile Force Battalion (2RMFB) sa Brgy Bangag, Lallo, Cagayan.

Napatay ang anim sa mga miyembro ng sindikato nang makipagpalitan ng putok sa mga pulis, at kinalaunan ay naaresto ang isa pa.

Narecover mula sa grupo ang isang KG9 full automatic machine pistol na gawang Danao, tatlong caliber 45 handguns, at isang 9mm pistol. | ulat ni Leo Sarne