Maituturing na isang major breakthrough ang pagkakalagda ng national ID system ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng patuloy na kampanya ng pamahalaan upang masugpo ang red tape at korapsiyon sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sinabi ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go na walang dudang tiyak na mababawasan kung hindi man ganap na masugpo ang korapsiyon, red tape at mga kuwestiyonableng transaksiyon sa pamahalaan.
Dagdag ni Go, tiyak na magiging maayos at mabilis na maipararating ang mga serbisyo sa publiko lalo’t hindi na nangangailangan pang magprisinta ng katakot-takot na ID sa mga transaksyon sa gobyerno.
Kaugnay nito ay pinawi ni Go ang pangamba ng ilang sektor hinggil sa kanilang mga personal information na ibibigay sa pagkuha ng bagong ID system dahil mayroon aniyang Data Privacy Act.
Binigyang-diin ni Go na anumang mga ilalagay na impormasyon sa national ID ay wala rin namang pinagkaiba sa mga impormasyong ibinigay sa pagkuha ng iba pang government issued identifications gaya ng Philippine Statistics Authority, GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG Fund, at Comelec. | ulat ni Alvin Baltazar