Pagkakaiba ng opisyal na bilang ng patay sa tala ng NDRRMC sa ulat ng Regional DRRMC, ipinaliwanag

Nagpaliwanag ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagkakaiba ng kanilang inilabas na bilang ng patay sa situation report ngayong araw, sa ulat na inilabas kahapon ng Region 5 DRRMC.

Sa situation report kasi na inilabas ng NDRRMC ngayong hapon, 17 ang iniulat na patay at dalawa ang sugatan sa Calabarzon at Region 5, gayung iniulat na ng Region 5 RDRRMC kahapon na 20 na ang patay.

Paliwanag ni Easha Mariano, media liason ng NDRRMC, hindi muna nila inilalabas ang bagong pasok na datos ng mga nasawi hanggang hindi ito dumadaan sa validation, na tinatawag na “Management of the Dead and the Missing,” na pinamamahalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) cluster.

Tiniyak naman ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, na ang mga latest figure ay ipa-publish din pagkatapos dumaan sa validation, dahil ang datos mula sa rehiyon ay “raw figures” pa lang.

Ayon kay Timbal, sa 17 fatalities na nasa kanilang opisyal na tala ngayong hapon, isa ang mula sa Calabarzon habang 16 ang sa Bicol Region.