Pagkakabinbin ng 2019 proposed budget, Kongreso ang dapat sumagot – Sec. Diokno

Nanindigan si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, na hindi ang executive department ang dahilan ng pagkakaantala ng 2019 proposed budget.

Sa lingguhang breakfast forum sa DBM, inihayag ni Diokno na maaga nga silang nakapagsumite ng panukalang budget sa Kamara para sa susunod na taon.

Ang pagsusumite ay ginawa sa mismong araw ng pinakahuling SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, nung July 23, 2018 na umabot sa 3.757 trilyong piso.

Ito ay mas mataas ng P439 billionĀ  kung ikukumpara sa 2018 national budget na nasa P3. 318 trillion.

Sinabi ni Diokno, na hindi sila ang dapat na sisihin dahil nasa Kongreso na ngayon ang bola, kung saan dito rin aniya nakabinbin ang proposed budget.

Dagdag ng Kalihim, hindi naman sila nakaranas ng ganitong pagkagahol sa usapin ng taunang pondo sa nakalipas na dalawang taon at ngayon lamang aniya ito nangyari. | ulat ni Alvin Baltazar