Pagkakaaresto ng NPD ng big-time gun runner, pinuri ni PNP Chief

Binati ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang Northern Police District (NPD) sa pagkakaaresto ng isang big-time gun runner na isinasagawa ang kanyang ilegal na gawain sa pamamagitan ng online selling.

Kinilala ni Eleazar ang suspek na si John Christian T. Bautista, 33 taong gulang, at residente ng Blk 5 Lt 7 Camella Lessandra, Brgy. Bucandala IV, Imus, Cavite.

Nahuli ito sa buy-bust operation ng NPD District Special Operations Unit (DSOU), na pinamumunuan ni LtCol. Jay Dimaandal, matapos na isumbong ng isang concerned citizen ang pakikipagtransaksyon ng suspek sa isang facebook chat group.

Narekober sa suspek sa buy-bust operation sa Metropolitan Petron Gas Station, Macapagal Avenue, Pasay City ang isang Thompson submachine gun, isang MGV 176 Cal .22 rifle, isang STI 9mm pistol, isang Cobra Special Cal .38 pistol, Isang Cal .40 Smith and Wesson pistol, at isang Cal .45 Colt pistol.

Sa isang follow-up operation sa bahay ng suspek, isinuko naman ng asawa nito ang siyam na matataas na kalibre ng armas at samu’t saring mga bala.

Sinabi ni Eleazar na ang pagkakaaresto sa suspek sa tulong ng impormasyon mula sa publiko ay magandang ehemplo ng pagtutulungan ng pulis at mga mamamayan para mapanatili ang kaayusan sa mga komunidad.