Pagkadismaya ni dating Ombudsman Morales sa umano’y recycling ng Administrasyon sa appointees nito, sinagot ng Palasyo

Bumuwelta ang Malacañang sa naging banat ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Administrasyon kaugnay ng umano’y ginagawa nitong pagre-recycle sa mga nadismiss na opisyales ng pamahalaan.

Katwiran ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang mga natanggal na opisyales na nailipat ng puwesto o posisyon ay wala namang bahid ng korapsiyon habang sila ay nasa kanilang tanggapang dati nilang pinaglilingkuran.

Paliwanag ni Panelo, na nagkataon lang na hindi akma ang expertise ng mga kinauukulang opisyal sa mga pinanggalingan nilang opisina kaya’t kailangang ilipat ang mga ito sa ibang tanggapan kung saan papakinabangan ng gobyerno ang kanilang galing at kakayahan.

Ito aniya’y bahagi ng tinatawag na presidential prerogative bilang pinuno ng executive branch.

Paniniyak ng Palasyo, nananatili ang polisiya ng pamahalaan na wala itong sasantuhin kung paglaban sa korapsiyon ang pag-uusapan at kahit kaibigan ganundin ang ka-brod sa fraternity at kahit kamag-anak ay hindi ituturing na sacred cow. | ulat ni Alvin Baltazar